Santos bronze sa Grand Prix

MANILA, Philippines - Respetadong pagtatapos ang ibinigay ni Katherine Kay Santos sa Pambansang  koponan na naglaro sa tatlong yugtong Asian Athletics Association (AAA) Grand Prix nang sumungkit siya ng bronze medal sa pagtatapos ng torneo sa Colombo, Sri Lanka noong Linggo.

Lumundag sa mababang 6.04-metro si Santos ngunit sapat na ito para daigin ang tatlong iba pang katunggali para sa bronze medal.

Ito ang ikalawang medalya ni Santos sa tatlong yugtong kompetisyon matapos makasungkit ng pilak sa first leg na ginawa sa Bangkok sa 6.17-m lundag. Ang ikalawang leg ay nangyari sa Chonbori, Thailand at pumang-apat lamang ang pambato na ipinadala ng Philippine Amateur Track and Field Association (PATAFA).

Nanalo ng ginto at pilak ang mga pambato ng Uzbekistan na sina Darya Rezmehnenko at Yuliya Tarasova sa kinamadang 6.34-m at 6.20-m.

Si Rezmehnenko ang siyang lumabas bilang pinakamahusay na long jumper dahil nakuha niya ang ginto sa lahat ng tatlong leg. Hindi naman pinalad sina Rosie Villarito at Daniel Nova na makapaghatid ng medalya.

Si Villarito ay tumapon ng 48.15-m pero nangulelat siya sa walong kalahok sa javelin throw habang si Nova ay naorasan  ng 10.81 sa 100-meter run na naglagay sa kanya sa ikasampung puwesto.

 

Show comments