MANILA, Philippines - Tinalo ng National Capital Region women’s basketball at volleyball teams ang Calabarzon at Central Visayas para katampukan ang matagumpay na pagdepensa sa titulo sa Palarong Pambansa na ang 2013 edisyon na ginawa sa Dumaguete City, Negros Oriental ay nagsara na.
Dinurog ng NCR Lady Spikers na kinatawan ng Hope Christian School ang Central Visayas, 25-12, 25-7, 25-1, para tapusin ang dalawang sunod na taon na pumaÂngaÂlawa lamang ang delegayon sa kompetisyon.
Umiskor ng 65-52 panalo ang NCR sa Calabarzon sa girls basketball para sa unang kampeonato sa ikatlong taon ng event at ang mga tagumpay na ito ay pumawi sa pagkatalo ng Big City sa secondary boys basketball at volleyball, bukod pa sa softball at baseball.
Yumukod ang NCR sa host Central Visayas sa basketball na ginawa sa Lamberto Macias Sports and Cultural Centre, 70-66, natalo ang ipinalaban sa volleyball, 25-21, 25-12, 19-25, 13-25, 15-11, sa Calabarzon habang 8-0 shutout ang tinamo ng delegasyon sa Western Visayas sa softball at 1-2 pagkatalo sa Region VI.
Maliban sa dalawang ballgames, nagdomina rin ang NCR sa swimming, badminton, gymnastics, elementary boys baseball.
Sa kabuuan, ang NCR elementary division team ay kumulekta ng 227.5 puntos habang ang secondary team ay mayroong 369 para sa kabuuang 596.5 puntos.
Pumangalawa sa overall ang Western Visayas sa 446.34 bago sumunod ang Central Visayas sa 333 puntos. Ang Northern Mindanao ang pumang-apat sa 288 puntos bago sumunod ang Calabarzon sa 250 puntos para sa ikalimang puwesto.
Ang Region Six ang pumangalawa sa elementary at secondary sa 189.67 at 256.67 puntos habang ang Northern Mindanao ang pumangatlo sa elementary sa 182 at ang Calabarzon ang pangatlo sa secondary sa 193 puntos.