Kumpleto na

Papasok  sa huling dalawang playdates ng elimination round ng 2013 PBA Philippine Cup, dalawang bagay na ang sigurado.

Kapwa nagkamit na ng twice-to-beat advantage sa quarterfinal round ang Alaska Milk at Rain or Shine. Kapwa naman tuluyang nalaglag at maagang nagba­kasyon ang Barako Bull at Globalport.

Nakuha ng Aces ang No. 1 spot matapos na mag­wagi kontra crowd-favorite Barangay Ginebra San Miguel, 102-93 noong Miyerkules. Tinapos ng Aces ang elims sa record na 11-3.

Tuluyang nakuha naman ng Rain or Shine ang ikalawang puwesto nang talunin ng Air21 ang Petron Blaze, 95-91 noong Sabado. Sa record na 9-4 ay hindi na mahahabol sa ikalawang puwesto ang Elasto Pain­ters kahit na ano pa ang mangyari sa kanilang huling laro kontra Meralco Bolts sa Miyerkules.

Ang Globalport ay matagal nang nalaglag sa la­banan. At para bang kahit na nagpalakas ng line-up ang Batang Pier ay wala pa ring nangyari sa kanila. Oo’t nahigitan nila ang bilang ng panalo nila sa Commissioner’s Cup kumpara sa iisang tagumpay na nakamit nila sa Philippine Cup pero disappointing finish pa rin ito.

2-11 ang record ng Globalport na naka-duwelo ng Barako Bull (4-9) sa unang laro kahapon sa Mall of Asia Arena. Kapwa last game na nila iyon at pagkatapos ay paghahandaan na nila ang third conference na ga­ganapin sa Agosto. Ang haba ng malungkot nilang bakasyon.

Ang maganda sa nangyari sa elims ay ang sitwas­yon ng mga powerhouse teams na gaya ng defending champion San Mig Coffee, Philipine Cup titlist Talk N Text, Petron Blaze at Barangay Ginebra na nasa kalagit­naan ng standings. Lahat sila’y umiiwas sa ikapito’t ikawalong puwesto dahil ayaw nilang makasagupa ang alinman sa top two teams na may twice-to-beat na bentahe.

Biruin mo iyon? Ang lalakas nila pero nagkukumahog sila ngayon at kinakabahan pa.

Mabuti pa ang Air21 na kahit na nagtapos sa ika­walong puwesto sa record na 6-8 ay napakataas ng morale.

Kumbaga’y happy si coach Franz Pumaren sa na-achieve ng kanyang koponan so far. Aba’y napakala­king improvement nito dahil anim ang kanilang panalo.

At kung tutuusin nga’y dapat ay higit pa roon ang bilang ng panalo ng  Express kung hindi lang sila mi­nalas sa endgame o sa tawagan ng referees.

Makakasagupa ng Express sa quarterfinals ang Alaska Milk na may twice-to-beat advantage.

Pero tiyak na lalaban ang Express. Bakit?

Aba’y tinalo na nila ang Alaska Milk,  74-68 nang una silang nagtagpo sa Ynares Sports Center,  Antipolo City noong Marso 15.

Kung nagawa nila iyon noon, natural na sa kaisipan nila’y puwede nilang maulit ang panalo ng dalawang beses. Kaya kahit na eighth placer sila’y hindi sila naghihinagpis. Kasi, pakiramdam ng Express ay may laban sila sa Aces kahit pa gaano kainit ang kanilang katunggali sa quarterfinals.

At iyon ang plus factor para sa tropa ni Pumaren. Dahil eighth-placer sila, tiyak na underdogs sila. Hindi aasahan ng karamihan na sila’y lulusot. Iisipin ng lahat  na kakainin sila nang buong-buo ng kanilang kalaban. No pressure.

Kung tutuusin, siguradong ang Alaska Milk ang may pressure. Nagngingitngit silang makaisa sa Air 21.

Bale wala kasi yung number one ka at may twice-to-beat advantage pero hindi pa rin makakalusot.

 

Show comments