Cebuana Lhuillier, Boracay Rum nakalusot din: Cagayan Valley pinigil ng Big Chill

Laro Ngayon

(Ateneo Blue Eagle gym)

2 p.m. Blackwater Sports vs Jumbo Plastic

4 p.m. NLEX vs Café France

 

MANILA, Philippines - Napigilan ng Big Chill ang paglasap ng magkasunod na kabiguan nang naitakas ang 93-92 panalo sa Cagayan Valley sa PBA D-League Foundation Cup kahapon sa The Arena sa San Juan City.

May 21 puntos si Mar Villahermosa at 19 rito ay ginawa sa second half ngunit kinailangan pa rin ng Superchargers ang sablay na lay-up ni Ping Eximiniano sa huling 10 segundo para ilista ang ikatlong panalo matapos ang limang laro.

Lumayo sa 75-62 sa kaagahan ng huling yugto, ang magkasunod na buslo ni Joshua Webb ang nagdikit sa Rising Suns sa isang puntos, 91-90.

Sumablay sa opensa ang Superchargers para bigyan ng pagkakataon ang Cagayan Valley na agawin ang liderato. Pero mintis ang lay-up ni Eximiniano bago tumugon ng puntos sa kabilang dulo si Terrence Romeo upang tiyakin ang panalo.

“Mahalaga itong panalong ito para sa laban sa Playoff kaya’t masaya ako at nakuha namin ito,” wika ni Big Chill coach Robert Sison.

Si Mark Bringas ay mayroong 26 puntos para pamunuan ang limang man­lalaro ng Cagayan Val­ley na may doble-pigura pero hindi sapat ito para bumaba ang koponan sa 3-2 baraha.

Pinangatawanan naman ng Cebuana Lhuillier at Boracay Rum ang pagi­ging  beteranong koponan laban sa Informatics at Hog’s Breath nang manalo sa kanilang mga laban.

May 14 puntos si June Dizon para pangunahan ang pitong Gems na may 10 puntos pataas tungo sa madaling 101-76 kalamangan.

Iniwan agad ng Gems ang Icons sa unang yugto, 29-8, at lumobo ito sa 30, 78-48, matapos ang tatlong yugto para kunin ng tropa ni coach Beaujing Acot ang 4-2 baraha.

Nasayang naman ang 26 puntos ni Jeric Teng dahil lumawig sa limang sunod ang pagtatalo ng Icons.

May 20 puntos si Roider Cabrera para sa Waves na kumawala sa ikatlong yugto nang kunin ang 56-41 kalamangan para sa 72-68 panalo sa Razorbacks.

Bumangon ang Waves mula sa 84-106 pagkadurog sa NLEX tungo sa 4-3 baraha habang nasa 1-5 na ang Hog’s Breath.

Show comments