Azkals kakatakutan sa Maldives

MANILA, Philippines - Dapat ng katakutan ang mga Azkals matapos pagharian ang idinaos na 2014 AFC Challenge Cup Group E Qualifiers noong Martes ng gabi sa Rizal Memorial Football Stadium.

“I think we are at a level where we can actually say we will always have that fighting chance to win the game,” wika ni Azkals team manager Dan Palami.

Kinuha ng Nationals ang 1-0 panalo sa Turkmenistan para wakasan ang dominasyon ng nasabing bansa sa Pilipinas matapos mangibabaw sa huling dalawang pagkikita.

Tinapos ng host team ang tatlong bansang torneo bitbit ang 3-0 karta para dumiretso na sa main draw sa Maldives. Bago ang Turkmen, inilampaso muna ng Azkals ang Cambodia sa 8-0 iskor.

Bagamat natalo, ang Turkmen ay umabante rin sa Maldives matapos hawakan ang pinakamataas na goal difference na siyam na goals sa Bangladesh at India na tumapos sa 2-1 bahara.

Ang Bangladesh ang kumuha sa ikawalo at huling puwesto sa Maldives sa 5 goal difference habang ang India ay nasibak dahil sa mababang 4 GD.

Ang iba pang bansa na kasali sa Maldives ay ang host country, Afghanistan, Myanmar, Palestine at Kyrgyzstan.

Ang North Korea na siyang nanalo sa 2012 edisyon sa Nepal ay hindi na lalahok upang magkaroon ng magandang tsansa ang Pilipinas na madomina ang labanan.

“We always try to keep our expectations low. But certainly we will still be the underdog but we have that good chance of making that giant leap to the Asian Cup,” ani pa ni Palami.

Ang hihiranging kampeon sa Challenge Cup ang makakakuha ng ticket para sa 2015 Asian Cup na gagawin sa Australia.

“I would say so,” tugon ni Azkals coach Hans Michael Weiss sa tanong kung karapat-dapat pang ilagay bilang team to beat ang Pilipinas sa Maldives.

“But we have a lot of work to do,” dagdag ni Weiss na tinukoy ang pagtiyak na mananatiling buo ang line-up ng Azkals sa 2014 Cup.

Kikilos ang Philippine Football Federation (PFF) na pinamumunuan ni Mariano Araneta, na matiyak na makakalaro ang lahat ng mga Fil-Foreigners sa Maldives sa pag-apela na gawin ang kompetisyon sa FIFA Match Days.

Pinakamabangis na National team ang nabuo sa Qualifiers dahil nagdatingan ang mga mahuhusay na hugot sa pangunguna nina Stephan Schrock, Roland Muller, Rob Geir, Dennis Cagara at baguhang Javier Patino.

 

Show comments