NLEX, Blackwater wagi

MANILA, Philippines - Naipakita rin ng nagdedepensang kampeon NLEX Road Warriors ang tunay na laro para ikasa ang 90-54 dominasyon sa Hog’s Breath sa PBA D-League Foundation Cup kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Nagtrabaho agad ang Road Warriors sa unang yugto na kung saan iniwanan nila agad ng 10 puntos  ang Razorbacks, 20-10, para katampukan ang mainit na laro na hindi nakita sa unang dalawang asignatura na kanilang naisuko.

Si Garvo Lanete ay mayroong 18 puntos, si Jake Pascual ay naghatid ng double-double na 13 puntos at 12 rebounds habang si RR Garcia ay nag-ambag ng 14 puntos para umangat sa 1-2 ang tropa ni coach Boyet Fernandez.

Bumaba ang Hog’s Breath sa 1-3 karta sa pag­la­sap ng ikalawang sunod na pagkatalo.

Nagising ang Blackwater Sports sa second half para makabangon agad mula sa huling pagkakada­pa sa kinuhang 87-80 panalo sa unang laro.

Isinantabi ng Elite ang pagkakalubog ng 18 puntos sa ikalawang yugto nang tapusin ang laro sa pamamagitan ng 19-12 bomba para manatiling nasa ikalawang puwesto sa 3-1 baraha.

 Si Allan Mangahas ay mayroong 21 puntos, 7 rebounds, 4 assists at 3 steals, habang si Kevin Ferrer ay nagdagdag ng 16 puntos at 7 rebounds.

Show comments