MANILA, Philippines - Sta Cruz, Laguna--Nagbida ang mga miyembro ng national team sa swimming at table tennis, habang may bagong atleta namang nangibabaw sa badminton sa 2nd Philippine Sports Commission-Philippine Sports Association for the Differently-Abled Para National Games.
Kumuha ng tig-dalawang ginto sina Asian Games Paralympians Ernie Gawilan at Arnel Aba sa unang araw ng kompetisyon sa swimming para sa kampanya ng mga Pambansang atleta.
Kinuha ng 20-anyos at tubong Davao City na si Gawilan, walang mga binti sapul isilang, ang ginto sa men’s 400m freestyle S8 category sa bilis na 5:16.78 segundo. Pinagharian din niya ang men’s 100m backstroke sa oras na 1:26:21 segundo.
Magkasunod din sinikwat ng 28-anyos mula Timoga, Iligan at beterano sa World ParaGames na si Aba ang ginto sa men’s 400m freestyle S9 category sa oras na 5:29.50 segundo at men’s 100 backstroke sa itinalang oras na 1:20.25 segundo.
Umagaw ng atensyon ang 12-anyos na identical twins at kapwa visually-impaired na sina Jerome at Joshua Nelmida na bagong diskubre sa badminton.
Nakalasap naman ng kabiguan ang mga national team members na sina 2012 London ParaLympian Andy Avellana at Marites Burce sa men’s at women’s javelin throw.
Si Avellana ay nabigo sa men’s discus throw sa inihagis na 22.02 metro kontra kay Clover Lauyan (26.20m), habang si Burce na naghagis ng 9.74 metro ay naungusan ni Cendy Asusano na nakapaghagis ng 11:00 metro.