Suzuki tututukan sa FIM Asian Moto

MANILA, Philippines - Kung mayroong isang rider na dapat tutukan sa pagtakbo ng Philippine leg ng 2013 FIM Asia Motocross Supercross Cham­pionship sa Puerto Prin­cesa City, Palawan, ito’y walang iba kundi si Tomoya Suzuki ng Japan.

Hanap ni Suzuki na mabawi ang titulo sa Asian125cc/MX2 na dating hina­wakan noong 2010 laban sa nagdedepensang kampeon na si Arnon “Turbo” Theplib ng Thailand.

Magkasunod na taon na dinomina ni Theplib ang dibisyon at tiyak na pi­naghandaan niya ang kompetisyong gagawin mula Marso 21 hanggang 24.

Ito ang ikasampung su­nod na taon na sa Puerto Princesa City gagawin ang kompetisyon at nangyari uli ito dahil sa buong suporta ni Mayor Edward Hagedorn at ng kanyang nasasakupan.

Ang suporta ng ma­no­nood ang tiyak na sasan­dalan ni Kenneth San Andres na siyang National Mo­tocross Rider of the Year.

Hihigpit pa ang kompe­tisyon sa pagsali rin ng mga lahok mula Guam, Australia, Sri Lanka, Mongolia, Hong Kong at New Zealand.

Mainit din ang bakba­kan sa Asian Junior c­ategory sa pagitan nina Tony Siddayao awardee Market Reggie Flores, 2012 Natoinal junior champion sa 85cc Gabriel Macaso at Jacques Gunawardena ng Sri Lanka.

Patok naman sa Asian Veterans si Stanley Ya­suhiro ng Guam na kunin ang ikalawang sunod na titulo. Handa naman sina local riders Mike Zolin, Gimo Gonzales at Junjun San Andres na pigilan siya sa kanyang balak.

Ang Extremeworx ang siyang promoter ng karera na inorganisa ng NAMSSA at suportado ng Repsol, HJC Helmets, Shakey’s Du Ek Sam Inc., Puerto Prin­cesa, Honda Prestige Puerto Princesa, Asia Bre­wery Inc, Ottoman Shoes, DOT, POC at PSC.

 

Show comments