Cebu amputee gumawa ng upset sa 2nd PhilSpada

Sta. Cruz, Laguna, Philippines -- Nag­tala ng malaking upset ang isang Cebu amputee kontra sa miyembro ng Pambansang koponan sa pagsisimula ng kompe­tisyon sa 2nd PSC-PhilSpada Para National Games.

Walang pagsidlan ng kasiyahan ang 28-anyos na mula Mandaue City, Cebu na si Arman Dino matapos maungusan ang beterano at ParaLympics multi-medalist na si Isidro Vildosola para kunin ang kauna-unahang gintong medalya na nakataya.

“First time ko po sumali sa Para Games at hindi ko po alam na matatalo ko ang miyembro ng national team,” sabi ni Dino, kabilang sa kategorya na T46 o amputee na naputol ang kanang kamay noong edad 7-taon matapos na maputukan ng Super Lolo.  

 Sinandigan naman ni Dino, isang entertainer at champion din sa amateur singing contest, ang madalas na pagsali sa provincial races upang ungusan sa pagtawid sa finish line ang naging Asian ParaLympics silver medalist at ikapito sa 2012 London ParaLympics na si Vildosola.

 Itinala ni Dino ang kabuuang 58:58 segundo para sa gintong medalya, habang si Vildosola ay mayroong 59:58 upang magkasya sa pilak.

Pumangatlo naman si Richard Gonzales sa iti­nalang 1:04:16 oras.

Show comments