MANILA, Philippines - Bumuhos ang puntos para sa San Miguel Beer upang ang dikitang labanan sa unang tatlong quarters ay naging 73-53 panalo laban sa Singapore Slingers sa 4th ASEAN Basketball League (ABL) kagabi sa Tahn Bihn Stadium, Ho Chi Minh City sa Vietnam.
Si Asi Taulava ay mayroong 11 puntos, kasama ang dalawang dunks, sa huling 10 minuto ng labanan para pangunahan ang dominasyon ng Beermen tungo sa paghablot ng ikaapat na sunod na panalo at kabuuang 7-3 baraha.
Umararo ng 24 puntos ang Beermen habang ang depensa ay nagbigay lamang ng walong puntos sa Slingers para masayang ang pagdikit ng Singapore sa 45-49 matapos ang tatlong yugto.
May 11 puntos at 10 rebounds si Taulava upang suportahan ang 19 puntos at 5 assists ni Chris Banchero.
Si Brian Williams ay naghatid ng 15 puntos at 10 boards habang ang bagong import na si Justin Williams ay bumutata ng 9 at may 10 rebounds at 7 puntos.
Si Rashaad Singleton ay gumawa 16 puntos para sa Slingers na yumukod sa Beermen sa ikalawang pagkikita matapos ang 55-66 pagkatalo na nangyari sa Singapore.
Nanatili naman ang nagdedepensang Indonesia Warriors sa liderato nang kunin ang ikawalong panalo sa 11 laro sa pamamagitan ng 74-67 tagumpay sa Chang Thailand Slammers.