Sabillo pinabagsak si De La Rosa via 8th-round TKO para sa interim title

MANILA, Philippines - Tinalo ni ALA Gym figh­ter Merlito Sabillo si No.1 ranked Colombian Luis De La Rosa via eight-round TKO upang angkinin ang WBO minimum weight in­terim title kahapon sa Co­liseo Mario De Leon Cerete sa Cordoba, Colombia.

Kaagad na sinugod ni Sabillo si De La Rosa kung saan dumugo ang kilay ng Colombian sa first round.

Ngunit nakabawi naman si De La Rosa para yanigin ang Filipino fighter.

Nakuha ni Sabillo ang bentahe sa eighth round nang mapabagsak niya si De La Rosa sa pamamagitan ng isang right straight.

Matapos makabangon si De La Rosa, kaagad naman siyang nirapido ni Sabillo mula sa isang left straight para muling patum­bahin ang Colombian sa ikalawang sunod na pagkakataon.

Dahil dito, halos hindi na makatayo si De La Rosa bunga ng suntok ni Sabillo.

Tuluyan nang itinigil ng referee ang laban sa 2:58 sa 8th round.

Tangan ngayon ni Sabillo ang perpektong 21-0-0 win-loss-draw ring record kasama ang 11 KOs.

 

Show comments