Nietes, Fuentes handa na sa kani-kanilang misyon

MANILA, Philippines - Kapwa tumimbang ng 108 pounds, handang-handa na sina world light flyweight champion Donnie ‘Ahas’ Nietes at Mexican challenger Moises Fuentes sa kanilang upakan sa “Pinoy Pride XVIII: World Champion vs. World Champion” ngayong gabi sa Pacific grand ballroom ng Waterfront-Cebu City Hotel and Casino.

“Ang masasabi ko lang, handang-handa na ako sa laban,” wika ng 30-anyos na si Nietes sa pagtatanggol niya ng suot na World Boxing Organization title kontra sa 27-anyos na si Fuentes.

Hindi nagbigay ng prediksyon ang tubong Murcia, Negros Occidental na si Nietes (31-1-3, 17 KOs) kung mapapabagsak niya si Fuentes (16-1-0, 8 KOs).

“Basta ako, kapag nakakita ako ng pagkakataon na mapabagsak siya, kukunin ko,” sabi ni Nietes kay Fuentes, ang kasalukuyang WBO minimumweight king.

Sa undercard ng Nietes-Fuentes fight ay mapapanood din sina WBO Asia-Pacific at WBC Silver super bantamweight titlist Genesis “Azukal” Servania at ang nagbabalik na si Jimrex “Executioner” Jaca.

Itataya ni Servania (19-0-0, 6 KOs) ang kanyang hawak na WBO regional crown laban kay Indonesian ‘Time Bomb’ Angky Angkota (26-8-0, 14 KOs), habang makakatapat ni Jaca (30-6-3, 20 KOs) si Rachamongkol Sor Pleonchit (13-4, 5 KOs) ng Thailand.

Samantala, personal namang panonoorin ni Mexican boxing great Marco Antonio Barrera ang Nietes-Fuentes championship fight sa ringside.

 Dalawang  beses tinalo ni  Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao ang 39-anyos na si Barrera kung saan ang una ay mula sa isang 11th-round TKO noong Nov. 15, 2003 at ang ikalawa ay via unanimous decision sa kanilang rematch noong Oktubre 6, 2007.

 Huling lumaban si Barrera (67-7-0, 44 KOs) noong Peb. 12, 2011 kung saan niya pinabagsak si Jose Arias sa 2nd round sa kanilang 10-round, non-title fight.

 

Show comments