Sa world men’s softball championship: Blu Boys handa na sa hamong haharapin

MANILA, Philippines - Ginagamit ng Philippine Blu Boys ang maagang pagdating sa Auckland, New Zealand upang hasain pa ang kalidad ng paglalaro sa malamig na panahon.

Noon pang nakaraang Martes lumipad ang Pambansang koponan patungong New Zealand para sumali sa 2013 International Softball Federation (ISF) World Men’s Softball Championship na gagawin mula Marso 1 hanggang 10.

May 16 koponan ang magtatagisan sa torneo at ang koponang suportado ng Amateur Softball Association of the Philippines (ASAPhil) ay nakasama sa Group B.

Ang mga kagrupo ng Pilipinas ay ang New Zealand, Canada, Japan, Argentina, Mexico, Colombia at Ne­therlands. Nasa Group A naman ang host at defending champion Australia, US, Venezuela, Great Britain, Czech Republic, South Africa, Indonesia at Samoa.

Nakasali ang bansa sa kompetisyon nang puma­ngalawa sa Japan sa Asian Championship noong nakaraang taon sa Japan. Ang Indonesia ang pumangatlo at kasama rin sa torneo.

Kailangang makaapat na panalo ang bansa para magkaroon ng tsansa na pumasok sa playoffs na gagawin mula Marso 8. Unang laro ng bansa ay ang Colombia sa Marso 1. 

 Taong 2009 nang huling magdaos ng ISF World Championship sa Saskatoon, Canada at ang Pilipinas ay hindi nakaabante sa Playoff nang tumapos sa pangsampung puwesto lamang.

 

Show comments