Urbiztondo nailabas ang husay, nagbida sa 2-0 start ng Barako Bull

MANILA, Philippines - Ang dating playmaker ng nagdedepensang San Mig Coffee ang siya nga­yong bumabandera para sa Barako Bull sa elimination round ng 2013 PBA Commissioner’s Cup.

Nagbida si Fil-Am Josh Urbiztondo sa 2-0 panimula ng Energy Cola kaya siya nahirang na Accel-PBA Press Corps Player of the Week.

Sa mga panalo ng Ba­rako Bull ni head coach Bong Ramos kontra sa San Mig Coffee at Global­port, nagposte si Urbizton­do ng mga averages na 20.5 points, 7.0 rebounds at 4.0 assists.

“It’s such a blessing to have a 2-0 start this confe­rence,” sabi ni Urbiztondo na ipagdiriwang ang kanyang ika-29 kaarawan sa Pebrero 27. Ang ipinanganak sa San Francisco, USA na si Urbiztondo ay isang undrafted player sa 2009 PBA Draft ngunit sumegunda kay Rico Maierhofer para sa PBA Rookie of the Year race.

Unang naglaro si Urbiz­tondo Sta. Lucia Realty bago kumampanya para sa Air21 at B-Meg, ngayon ay San Mig Coffee.

“He keeps pushing himself, in practice and in any game,” wika ni Ramos kay Urbiztondo.

Sa 79-75 panalo ng Energy Cola laban sa Mi­xers noong nakaraang Biyernes, tumipa si Urbiz­tondo ng 17 points, 9 rebounds at 4 assists, habang nagposte naman siya ng 24 markers, 5 boards at 4 assists sa kanilang 98-88 overtime win laban sa Batang Pier noong Linggo.

 

Show comments