Winalis ang Generals sa NCAA volley: 3-peat sa Altas

MANILA, Philippines - Nakumpleto ng Perpe­tual Help ang pinangarap na three-peat sa NCAA men’s volleyball nang manaig sa Emilio Aguinaldo College, 25-21, 18-25, 25-21, 25-21, na ginawa kagabi sa The Arena sa San Juan City.

Lumabas ang hanap na tikas sa Altas upang ba­le­walain ang matinding hamon na ibinigay ng Ge­nerals para tapusin din ang torneo bitbit ang 33-sunod na panalo na nagsimula noon pang 2010-11 season.

Si Edmar Sanchez ay gumawa ng 22 puntos at 20 rito ay sa atake bukod sa 2 blocks habang panuporta si Jay dela Cruz na may 19 puntos na kinapalooban ng 18 kills at isang service ace.

Ang setter na si Glacy Ralph Diezmo ay may 50 excellent set habang 18 digs ang ginawa ni Sandy Montero para sa nanalong koponan.

Sa pagdodomina ni San­chez ay nahawakan ng Altas ang 24-20 sa ikaapat na set.

Nakuha ng Generals ang isang matchpoint pero ang kill na tinangka ni Ho­ward Mojica ay naging error upang ibigay sa Altas ang panalo sa larong tumagal ng isang oras at 48 minuto.

Parehong may 33 errors ang magkabilang koponan at nagkagirian sa attacks at blocks. Lamang ang Altas sa attacks,  53-45, pero dominado ng Generals ang blocks, 9-6. Ngunit  nakuha ng nagdedepensang kampeon ang mahahalagang puntos upang lumabas ang kanilang championship experience.

Naghatid ng apat na blocks si Ser Angel Guar­dian pero kinapos pa rin ang EAC upang malagay sa ikalawang puwesto.

Hindi naman nasayang ang paglahok ng EAC dahil ang kanilang juniors team ang hinirang na kampeon nang talunin ng koponan ang San Sebastian Stag­lets,  25-17, 25-23, 12-25, 25-22.

Show comments