Malaking kawalan sa Philippine dragon boat team si Nestor Ilagan na namatay nung Biyernes ng umaga matapos ang isang aksidente sa team practice sa may Manila Ocean Park.
Matanda na si Nes, kung pano siya tawagin ng mga malapit sa kanya. Ilang linggo na lang at 79 years old na siya.
Pero ni minsan ay hindi naging hadlang ang kanyang edad sa pagiging head coach ng Philippine team.
Nung Huwebes ng umaga, dumalaw siya sa practice ng team, kasama ang kanyang alalay. Pero ayon sa mga nakausap natin, ginusto niyang mag-isa at sinabihan ang alalay na bantayan na lang ang sasakyan.
Lumakad papunta sa mga bangka si Nes at dumaan sa isang area na under construction, madulas at may malalim-lalim na puwede niyang kahulugan.
Wala din umalalay sa kanya dahil medyo malayo siya sa paningin ng iba. Kaya nang madulas siya ay buong bigat siyang nahulog sa semento.
Ayon kay Marcia Cristobal, ang presidente ng Phi-lippine Dragon Boat Federation, matindi ang pagkabagsak ni Nes at nasugatan agad siya sa noo at sa ilong.
Dinala siya sa ospital at bagamat hindi naman siya nawalan ng malay, natunugan ni Marcia na masama ang tama ni Nes nang siya ay magsuka. Hemorrhage agad ang duda niya.
Nagkatotoo ang kanyang hinala dahil hindi tumagal si Nes ng isang araw sa Manila Doctors Hospital. Nalagutan siya ng hininga pasado alas-tres ng umaga ng Biyernes.
Agad kumalat ang malungkot na balita sa sports community.
Mabalit, malumanay pero palaban si Nes. At isa sa mga huling pangarap niya ay ang mabigyan ng International Olympic Committee ang PDBF ng sarili nitong rekognisyon.
Ayaw kasi ni Nes at ng mga miyembro ng PDBF na mapasailalim sila ng Philippine Canoe Kayak Federation.
Malapit na lumabas ang IOC decision ukol dito at ang sabi ni Marcia ay mukhang mapapaburan sila na makilala bilang isang independent na sports federation.
Malungkot lang siya na wala na si Nes para ipagdiwang ang araw na ito.