MANILA, Philippines - Balanseng atake ang ginawa ng nagdedepensang Perpetual Help laban sa Emilio Aguinaldo College upang kunin ang 25-22, 25-17, 25-16, panalo sa Game One ng NCAA men’s volleyball Finals kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Iniskor ni Edmar Sanchez ang lahat ng kanyang 12 puntos sa atake habang si Adam Daquer ay mayroong 8 kills at apat na blocks tungo sa 12 puntos pa at ang Altas ay naÂnaig sa Generals sa larong tumagal lamang ng isang oras at 14 segundo.
May pinagsamang 28 puntos sina Jay dela Cruz, Glacy Diezmo, Ralph Savellano at Rex Castro para sa nanalong koponan na kailangan na lamang umulit ng panalo sa Lunes tungo sa matagumpay na pagdepensa sa hawak na titulo.
Si Howard Mojica ay mayroong 25 kills tungo sa 27 puntos pero wala ng iba pang Generals ang naghatid ng doble-pigura para mabigo ang koponan.
Dominado ng Altas ang lahat ng aspeto ng laro daÂhil angat sila sa spike, 45-35, may 9-4 bentahe sa blocks at 3-1 bentahe sa service aces sa pamumuno ni Rex Castro na gumawa ng dalawang aces.
Pinawi naman ng junior team ng EAC ang kabiguan nang manalo sa San Sebastian, 25-22, 30-28, 25-18, sa Finals ng juniors.
May 15 kills at isang service ace si Cedric Rasing para pamunuan ang atake ng EAC upang hawakan ang 1-0 kalamangan sa best of three series.