HOUSTON --Alam ng mga Houston fans na gagawa ng kasaysayan ang Rockets laban sa Golden State noong Martes ng gabi matapos mangailangan ng isang 3-pointer para makapagtala ng isang NBA record.
Ngunit hindi ito hahayaan ni Warriors coach Mark Jackson na mangyari.
Nakuntento na lamang ang Rockets na tablahan ang isang NBA record at maglista ng isang bagong franchise mark sa pamamagitan ng 23 3-pointers sa kanilang 140-109 pagdurog sa Warriors.
Dinuplika ng Houston ang single-game record para sa 3-pointer na ginawa ng Orlando sa kanilang panalo laban sa Sacramento noong Enero 13, 2009.
‘’We’re not going to lay down,’’ sabi ni Jackson sa pagtatala sana ng Rockets ng bagong NBA record sa 3-point line.
Isinalpak ni Jeremy Lin ang limang 3-pointers, habang may tig-apat naman sina Chandler Parsons at James Harden para marating ng Rockets ang isang season-high point total.
Tumabla din sila sa NBA record na 14 3-pointers sa first half at kumolekta ng season-high 35 assists.
Tumapos si Lin na may 28 points kasunod ang 18 ni Harden at 16 ni Parsons para sa Houston.
Umiskor naman si Jarrett Jack ng 20 points para sa Warriors kasunod ang 18 ni David Lee.