Flores, Sacapano wagi sa Philta Aklan netfest

MANILA, Philippines - Umiskor ng dalawang panalo sina Luke Flores at Averille Sacapano para dominahin ang Philta-Pala­wan Pawnshop Regional age-group tennis tournament sa Ro Akeanon Tennis Club sa Kalibo, Aklan noong Linggo.

Pinagharian ni Flores ang boys’ 18-and-under class matapos gibain si No. 2 Jhomar Mananis, 6-1, 7-5, sa finals.

Nauna na niyang tinalo si Japet Marquez, 6-1, 4-6, 10-4, para kunin ang 16-and-U crown sa event na nagsisilbing ikatlo sa 27-stage nationwide circuit na inorganisa ng Philippine Tennis Association.

Iginupo naman ng top seeded na si Sacapano si Frances Martinez, 4-6, 6-3, 10-8, para sikwatin ang girls’ 14-and-U title.

Nauna niyang kino­po ang 12-and-U crown mula sa isang 6-2, 7-6 (8) tagumpay laban kay Stefannie Martin sa torneong suportado ng Palawan Pawnshop sa pamamagitan ni COO Bobby Castro at ni Technosports president Guillermo Nocom.

Sinikwat naman ni Jean Sunio ang girls’ 18-and-U crown matapos talunin si Samantha Panganiban, 7-6(3), 6-4, habang si Ma. Camile Buensalido ang nanalo sa 16-under nang gibain si top seed Mary Grace Zapanta, 6-3, 6-4.

 

Show comments