PBA D-League Aspirants’ Cup Cagayan, big chill pakay ang semis

MANILA, Philippines -  Pipilitin ng Cagayan Valley na magpatuloy ang mabungang paglalaro sa PBA D-League Aspirants’ Cup sa pag-asinta ng panalo para umabante na sa semifinals sa pagpapatuloy ng liga ngayon sa San Juan Arena.

Quarterfinals na ang yugto ng kompetisyon at ang Rising Suns ay ma­ki­­kipagtuos sa Cebuana Lhuillier  sa ganap na  alas-2 ng hapon bago sundan ng tapatan ng Big Chill at Jose Rizal University dakong alas-4 ng hapon.

Nasa ikalawang confe­rence ang Rising Suns at naibaon na nila sa limot ang 0-9 marka na naipakita sa Foundation Cup nang tapusin ang elimination round sa 6-4 karta para hawakan ang twice-to-beat advantage.

Nabigo ang tropa ni coach Alvin Pua sa Gems sa natatanging pagkikita sa eliminasyon, 82-86, pero tiwala siyang mababawian nila ang katunggali.

“Mahirap bigyan ng momentum ang Gems da­hil beteranong team sila. Nakapokus kami na umabante sa next level at kahit maganda ang inilaro ng Cebuana sa kanilang huling dalawang laro, naniniwala akong handa kami para bawian sila,” wika ni Pua.

Nagpalakas pa ang Suns sa pagkuha sa dating PBA draftee Julius Pasculado at John Montemayor para ipalit kina Philip dela Cruz at Raffy Gusi.

Madugtungan ang hi­ninga ang siyang nasa is­ipan naman ng Gems na tumapos sa single round elims bitbit ang pantay na 5-5 karta.

“Sa dami ng nangyari sa team ay nagpapasa­lamat kami at umabot pa sa quarterfinals. Sa ngayon ay itong laro lamang na ito ang pinagtutuunan namin,” wika ni Gems coach Beaujing Acot.

Ang Superchargers na nakapantay ang Rising Suns sa 6-4 baraha, ay nangangailangan din na manalo sa Heavy Bombers para agad na pumasok sa Final Four.

Nakalusot ang bataan ni coach Robert Sison sa tropa ni JRU mentor Vergel Meneses, 77-76, kaya asahan na magiging dikitan pa rin ang tagisan lalo pa’t hindi makakasama ng Big Chill ang batikang pointguard  Terrence Romeo dulot ng hairline fracture sa kanang kamay.

 

Show comments