Rising Suns kumakatok sa semis 4 p.m. Blackwater Sports vs Cagayan Valley

MANILA, Philippines - Tulad  ng dapat asahan, dinomina ng Cagayan Valley Rising Suns ang kulang sa taong Fruitas Shakers, 107-75, upang lumapit sa isang panalo tungo sa pag-abante sa semifinals sa PBA D-League Aspirant’s Cup kahapon sa Jose Rizal University Gym sa Mandaluyong City.

Gumawa ng 27 puntos si Eliud Poligrates habang 23 ang idinagdag ni Christopher Eximiniano para sa Suns na gumana  mula sa ikalawang yugto tungo sa dominanteng tagumpay.

Ito ang ikaanim na panalo sa siyam na laro ng  tro­pa ni coach Alvin Pua para makadikit sa pahinga at nasa ikalawang puwesto na Blackwater Sports sa 6-2.

Magkikita ang Suns at Elite sa Huwebes at ang mananalo rito ang siyang makakakuha sa ikalawang puwesto at awtomatikong  puwesto sa semifinals.

“Ipinaalala ko lamang sa kanila na may tsansa kami na umabot sa semis kaya sikapin naming manalo sa larong ito,” wika ni Pua.

Nasungkit naman ng Jose Rizal University ang ikalimang panalo matapos ang siyam na laro sa pamamagitan ng 74-61 panalo sa Erase Xfoliant sa ikalawang laro.

 

Show comments