Rigondeaux babagsak kay Donaire - Garcia

MANILA, Philippines - Matutulad si Guillermo Rigondeaux ng Cuba sa huling dalawang boksi­ngero na kinalaban ni WBO super bantamweight champion Nonito Donaire Jr., ang ma­tulog ng maaga sa laban.

Ito ang paniniwala ng mahusay na trainer ni Do­naire na si Robert Garcia sa kalalabasan ng 32-anyos na Cubano na hari ng WBA.

Hindi pa natatalo sa 11 laban at may 8 KOs si Rigondeaux at bilang isang amateur ay hinangaan dahil siya ay gold medalist sa 2000 Sydney at 2004 Athens Olympics sa bantam­weight division.

“He’s very talanted, skillful kid,” pagkilala ni Garcia sa galing ni Rigondeaux  sa panayam ng Ringtv.com.

Pero malayo pa ang kalidad nito kay Donaire at hindi niya kakayanin ang mga tatamang suntok mula sa 30-anyos na ‘Filipino Flash’.

“Rigo won’t be able to take his punch. I think he knocks him out,” dagdag ni Garcia.

Pinili ng Top Rank si Ri­gondeaux dahil malabong gawin ang tagisan nina Do­naire at WBC champion Abner Mares dahil hawak ito ng Golden Boy Promotion.

Naunang sinabi ni Do­naire na ayaw niyang kaha­rapin ang Cubano dahil la­gi itong tumatakbo sa mga laban pero ngayong siya na ang sunod niyang ma­kakalaban, wala siyang ibang gagawin kundi ang maghanda para manalo at agawin din ang WBA title.

Si Donaire ay galing sa apat na panalo noong 2012 at ang huling dalawang boksingero na sinagupa na sina Toshiaki Nishioka ng Japan at Jorge Arce ng Mexico ay natulog sa ikasiyam at ikatlong round.

Matapos ang knockouts, sina Nishioka at Arce ay naghayag ng desisyon na tuluyan ng iwan ang pagbo-boxing.

 

Show comments