Carino nakatikim na ng lap win: Red jersey suot na ni Valenzuela

MANILA, Philippines - Sa pagpasok ng karera sa rutang may akyatin, ang isa sa pinakamatibay na mountain climber na si Irish Valenzuela ang natural na lumutang.

Ang siklista ng LPGMA-American Vinly ay naora­san ng apat na oras, 37 mi­nuto at 41 segundo sa mapanghamong 156.8-km Stage Five mula Lapu Lapu City hanggang Cebu City kahapon.

Hindi niya nakuha ang lap win dahil kinapos siya ng dalawang minuto at 46 segundo sa nanalong si 19-anyos El Joshua Carino ng PLDT-Spyder(4:35:55), pero sapat ito para makuha  ang overall leader paglipat ng karera sa Luzon.

“Talagang binigay ko na lahat sa karerang ito dahil alam ko ito na ang pagkakataon ko na makuha ang overall league papuntang Luzon,” wika ng 25-an­yos na si Valenzuela na lu­mun­dag mula sa pampito tungo sa unang puwesto sa overall gamit ang 18:21:12 kabuuang tiyempo.

Si Carino ay nakina­bang din sa magandang diskarte nang pumanga­lawa na siya sa pangkalahatan sa 18:22:48 habang ang dating nangunguna na si Santy Barnachea ng Navy-Standard ay bumagsak sa pangpito nang nakasamang tumawid ang peloton.

May kabuuang oras si Barnachea ng 18:26:19  at mahigit na limang minutong napag-iiwanan ng bagong lider.

“Maaga pa pero ang sa­rap sigurong maging champion,” banat pa ni Valenzuela.

Ngunit dadaan sa butas ng karayom si Valenzuela sa hamon ng ibang siklista sa pangunguna ni Carino na matapos makatikim ng unang lap win ay tumaas ang kumpiyansa na kaya rin niyang maging kampeon sa 16-stage, 21-day karera.

“Pinaghandaan ko po talaga ang Ronda na ito. Sa tingin ko ay may ilalabas pa po,” pahayag ni Carino na tubong Mangaldan, Panga­sinan.

Sina Valenzuela, Carino, ang pambato ng Cebu na si Marvin Tapic ng Y101FM at Ronald Oranza ng PLDT-Spyder ang magkakasama na binagtas ang ikalawang mahirap na akyatin at magkakasama ring tumawid sa finish line

Si Tapic ang pumangatlo sa 4:39:21 at binigyan ng mainit na pagsalubong ng mga kababayan habang si Oranza ng Villasis, Pangasinan ang pumang-apat sa 4:39:39.

Nasa ikatlo na si Oranza  sa overall sa 18:23:10 habang sina VMobile-Smart Joel Calderon (18:24:41) at LPGMA-American Vinyl Cris Joven (18:25:52) ang nasa ikalimang puwesto.

Dahil sa malakas na ipinakita nina Carino at Oranza, ang PLDT-Spyder team ang nasa unahan na ng team category sa nakulektang 55:20:19 oras habang nakasunod ang VMobile-Smart sa 55:23:19.

Ang dating nasa lide­rato na Navy-Standard ay bumagsak sa ikatlong puwesto sa 55:26:06 oras.

 

Show comments