Pacquiao-Marquez 5 na kay Arum ang desisyon

MANILA, Philippines - May tsansa pa ring maitakda ang pang limang paghaharap nina Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao at Mexican four-division titlist Juan Manuel Marquez ngayong 2013.

Sa panayam ng GMA News Online noong Martes ng gabi sa Integrated Bar of the Philippines (IBP) Olympics sa Grand Regal Hotel sa Davao kung saan siya tuma­yong guest of honor, sinabi ni Pacquiao na si Bob Arum na ang bahalang magdesisyon.

“Depende sa promoter namin pero may posibilidad pa rin na maglaban,” sabi ng 34-anyos na Sarangani Congeressman sa kanilang pang limang salpukan ng 39-anyos na si Marquez ngayong taon.

Pinabagsak ng 39-anyos na si Marquez (54-6-0, 39 KOs) ang 34-anyos na si Pacquiao (54-5-2, 38 KOs) sa sixth round sa kanilang ikaapat na pagkikita noong Disyembre 8 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.

“Iyong tsamba kasama kasi sa laro ‘yan eh. Pero bi­gay natin sa kanya ‘yung karangalan. Nag-ensayo siya nang mabuti, talagang he trained hard for that fight. Nag-prepare siya nang mabuti at he deserves it,” ani Pacquiao sa kanyang talumpati sa IBP event.

Samantala, nagposte ng poll question ang RingTV.com na “What fight would you most like to see made in 2013?” na sinagot ng 20,000 botante para sa pitong malalaking laban na gusto nilang mapanood ngayong taon.

Nakatanggap ang Pacquiao-Marquez Part V ng 29.9 porsiyentong boto mula sa mga boxing fans.

Sumunod naman sa Marquez-Pacquiao V na nakakuha ng malaking porsiyento sa botohan ang laban nina world middleweight champion Sergio Martinez at pound-for-pound king Floyd Mayweather, Jr. na nakahugot ng 23.4%.

Ang Mayweather-Saul “Canelo” Alvarez fight ay pumangatlo sa nakolektang 22.6% kasunod ang 13.7 percent ng inaabangang suntukan nina unified world super bantamweight titleholder Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr. at WBC king Abner Mares.

Show comments