Para sa 2013 Sea games sa Myanmar POC kinakabahan na sa kampanya

MANILA, Philippines -  Gagawin lahat ng Phi­lip­pine Olympic Committee ang makakaya upang ma­­proteksyunan ang mga events na nais nilang ma­isa­ma sa 2013 Southeast Asian Games sa Myanmar.

Sa ngayon ay may 31 sports na ang pinangalanan matapos ang isinaga­wang pulong ng South East Asian Fe­deration Council noong Hulyo 14 at sa ikalawang pag-uusap mula Enero 28 at 29 sa Nay Pyi Taw ay ina­asahang maipipinalisa na ang events na gagawin sa palarong itinakda sa Dis­yembre 11-22.

“Nagpatawag kami ng pagpupulong sa mga NSAs ngayon para hingiin sa kanila ang mga events na malalakas tayo para ma­ipasok natin. Kaila­ngan na malaman agad ang mga events na mala­kas tayo para matiyak na ma­aalagaan natin ito,” wika ni POC 1st VP Joey Roma­santa.

Bilang host, ang  Myanmar ay tiyak na magnana­is na makapagpasok ng ma­raming events na pabor sa ka­nila upang umangat sa hu­­ling puwesto sa 2011 SEA Games sa Indonesia.

Tumapos ang host country sa ika-pitong puwesto bitbit ang 16 gold, 27 silver at 37 bronze medals at ang nakaungos sa kanila sa ikaanim na puwesto ay ang Pilipinas (36-56-77).

Hinimok din ni Romasanta ang mga NSAs na ka­usapin ang mga kaalya­dong bansa upang mas lu­makas ang puwersa sa pag­­tulak sa kanilang nais na events o kung di man ay magkaroon ng boses pa­ra tutulan ang posibleng isu­sog ng Myanmar.

“Iminungkahi ko sa mga NSAs na makipag-ugna­yan sila sa ibang countries to help in lobbying for their events na gusto nilang ilagay. Kung makukuha natin ang tulong ng ibang bansa, mas magiging madali at ma­iiwasan ang maraming ta­waran,” dagdag ni Ro­ma­santa.

Makakasama ni Roma­santa sa pagdalo sa SEAG Federation Council mee­ting sina Julian Camacho, Jeff Tamayo at Steve Hontiveros.

 

Show comments