Garcia nagpapasaklolo sa POC: Nat’l team bubuwagin ni Ilagan

MANILA, Philippines - Nais ni PSC chairman Ricardo Garcia na kumilos ang POC bunga ng posibleng malaking problema na hatid ng billliards.

Naunang nagpadala ng liham ang Billiards Snooker Congress of the Philippines (BSCP) na pinamumunuan ni Arturo Ilagan sa PSC na nagsasaad na kanilang idi-disband ang national pool at papalitan ng mga bagong pangalan sa 2013.

Ang aksyon ay magbibigay ng problema dahil kasama sa mga mawawala ay ang mga pinagpipitaganang pool players ng bansa sa pangunguna nina Dennis Orcollo at  Iris Ranola na nanalo ng ginto sa  2011 Indonesia SEAG.

Si Ranola ay kam­peon sa 8-ball at 9-ball sa kababaihan habang sa 8-ball sa kalalakihan nagdomina si Orcollo.

Handa na rin sina Orcollo at Ranola na sumama sa priority list ng PSC pero nakabitin pa dahil hindi iniendorso ni Ilagan.

Hindi pa nakikita ni Garcia ang liham na ito na ginawa noong Disyembre 26 at ipinadala sa PSC noong Enero 2 pero mali ang aksyon na ito.

“I have not seen any official statement but personally, I think it is a wrong move,” wika ni Garcia.

Hindi naman maaaring gumalaw ng hiwalay ang PSC dahil may awtonomiya sa kanila ang mga National Sports Associations kaya’t tinatawagan nila ng pansin ang POC na siyang may sakop sa mga NSAs.

“The POC should take action regarding this for billiards is a priority sport,” dagdag ni Garcia.

Si Ilagan ang kinikila­lang NSA ng POC pero hinahamon ang kanyang pagiging lider sa BSCP ni billiards godfather Aristeo “Putch” Puyat na siyang may hawak sa mga batikang manlalaro.

 

Show comments