MANILA, Philippines - Hindi ito isang ultimatum pero sinabi ni Nonito Donaire Jr. na kung lalabanan niya si Guillermo Rigondeaux ay gusto niyang sumailalim ang Cuban defector sa isang random drug-testing.
Si Donaire ang tanging boxing champion na dumadaan sa isang random testing taun-taon.
Ngayon ay gusto niyang sundan siya ng iba pang boxing champions.
“Random’ is good, so we can help clean boxing’s reputation,” sabi ni Donaire, hinirang na 2012 Best Fighter, sa panayam ng The Examiner kamakailan.
Ayaw magturo ni Donaire subalit kung sinuman ang lalaban sa kanya ay dapat sumailalim sa mga blood at urine tests.
Si Angel Hernandez, ang kontrobersyal na strength and conditioning expert, ay nasa kampo ni Rigondeaux.
Si Hernandez, inamin na nagbigay ng illegal performance-enhancers sa mga track stars na sina Marion Jones at Tim Montgomery, ang tumulong kay Juan Manuel Marquez sa paghahanda laban kay Manny Pacquiao.
Tumaas ang kilay ng mga nakakita sa maskuladong katawan ni Marquez kung saan niya pinatulog si Pacquiao sa sixth round noong Disyembre 8 sa MGM Grand.
Sinabi ni Marquez na siya ay drug-free at ang lahat ay resulta ng kanyang apat na buwan na pag-eensayo sa ilalim ni Hernandez.
Sina Marquez at Pacquiao ay kapwa pumasa sa urine tests na ginagawa matapos ang isang laban.