Sakripisyo ni Arcilla nagbunga

MANILA, Philippines - Bago nagsimula ang Philippine Columbian Association (PCA) Open Tennis Tournament ay ramdam ni Johnhy Arcilla na dadaan siya sa butas ng karayom para manatiling kampeon sa men’s singles.

Ganito ang kanyang na­raramdaman kahit itinuturing si Arcilla bilang hari ng PCA at makailang beses na rin siyang isinalang sa malalaking torneo sa nasabing palaruan.

Dahil hindi siya ga­a­nong kakumpiyansa kaya’t nagpaalam siya kay Rommie Chan ng Philippine Tennis Academy  para ma­kapagasanay.

Ang PTA ay binuo  nina tennis patron Jean  Henri Lhuillier, Oscar Hilado, Hanky Lee at Chan na binuo ang samahan na ang layunin ay makadiskubre  ng mga batang may potensyal at mapapakinabangan ng bansa.

Sa Alabang nagsanay si Arcilla at sumailalim sa pagsasanay na tumutok sa disiplina at mas pinalalim na pagsasanay sa tennis.

“Talagang training camp at madidisiplina ka.  Naisip ko kasi na kailangan ko mag-train nang husto kung gusto kong manalo sa PCA,” wika ni Arcilla.

Tuwing alas-6 ng umaga ay nagsasanay na si Arcilla at kasama rito ang road work para lumakas ang kanyang resistensya.

“Focus talaga ako sa training dun at nararamdaman ko naman ang epekto sa kondisyon ko. Wala  ka na kasing intindihin sa needs mo dahil nandun na lahat pati mga trainors,” wika ni Arcilla.

Hindi naman nasa­yang ang kanyang dagdag-paghihirap dahil napagta­gumpayan niya ang pa­ngarap na titulo pa sa PCA.

Kabilang sa  dinaanan para makuha ang titulo ay sina Marc Sieber at PJ Tierro. Sa finals ay nasukat siya ng Fil-Am Ruben Gonzeles pero bitbit ang pinaghirapang pagsasanay ay nanalo pa rin si Arcilla sa    labanang umabot ng apat na oras.

Tila kulang pa, idinag­dag ni Arcilla ang La Consolacion Men’s Tennis Invitational Championship sa Las Piñas laban kay Jeson Patrombon tungo sa  ma­ningning na taong 2012.

 

Show comments