Lakers tinulungan ni Bryant sa 5-sunod

LOS ANGELES--Pi­nag-init ni Kobe Bryant ang opensa ng Lakers sa final period nang banderahan ang malaking rally sa second half at talunin ang New York Knicks, 100-94 sa NBA noong Martes at palawigin ang kanilang winning streak sa limang laro.

Kumana si Bryant ng 34 puntos para sa kanyang NBA-record na 15th Christmas Day game at nag-am­bag naman si Metta World Peace ng 20 puntos at pitong rebounds at tulu­ngan ang Lakers na pagandahin ang kanilang record sa 14-14-9-9 sa ilalim ng kanilang bagong coach na si Mike D’Antoni maging ang kanilang holiday record sa 21-18, kabilang ang 13-9 sa kanilang balwarte.

Tumapos si Carmelo Anthony ng 34 puntos at gumawa naman si J.R. Smith ng 20 puntos para sa Knicks.

Kontrolado ng Knicks ang laro subalit kumulapso sila sa pagpasok ng final quarter nang mangapa sa opensa at malimita sina Anthony sa pitong puntos at Smith na may limang lamang.

 Isinalpak ni Bryant ang ang walo sa unang 10 pun­tos ng Lakers para buksan ang fourth period at sa na­­turang atake, naitala  ng Lakers ang kanilang unang kalamangan.

Sa Miami, tumapos si LeBron James ng 29 puntos, bukod pa ang siyam na assists at walong rebounds at ibigay sa host team ang ikalimang dikit na tagumpay sa bisa ng 103-97 panalo laban sa Oklahoma City.

Kumana si Dwyane Wade ng 21 puntos at nag-ambag si Mario Chalmers ng season-high 20 puntos para sa NBA defending champion.

Show comments