MANILA, Philippines - Ibinigay na ng Letran screening committee ang mga pangalan na puwedeng humalili sa puwestong iniwan ni coach Louie Alas.
Sa panayam kahapon kay Letran athletic director Fr. Vic Calvo, O.P., kanyang tinuran na ang listahan na pagmumulan ng pangalan ng bagong coach ay ibinigay na sa pangulo ng paaralan na si Fr. Tamerlane Lana, O.P.
“The list is now in the hands of our Rector. It’s now his decision on who to choose,” wika ni Fr. Calvo.
Siyam na pangalan na dating mga naglaro o nag-coach sa koponan ang hinarap at ininterbyu ng search committee sa pagsisimula ng buwan ng Disyembre.
Huling nagharap ang search commiittee noong Disyembre 23 at saka binuo ang rekomendasyon kasama ang mga rason na kung bakit para sa kanila, ang mga pangalang nakalista ang karapat-dapat na maupo bilang bagong head coach.
Kasama sa nag-apply sa puwesto ang multi-titled Knights coach Larry Albano habang ang iba pang kilala na sa pagko-coaching ay sina assistant coach Justiniano Pinat at Raymond Gavierres, dating Squires player na naging NCAA at PBA coach Caloy Garcia, dating PBL coach Nel Prado at dating kamador at ex-PBA cager Ronjay Enrile.
Nagbitiw si Alas matapos mabigo na ibigay sa Letran ang titulo nang natalo sa tatlong laro sa finals.