MANILA, Philippines - Hindi napigil ang pagkakaroon ng bagong head coach at mga rookie pla-yers ang isang determinadong San Beda para maunsiyami ang planong ikatlong sunod na titulo sa 88th NCAA men’s basketball.
Ipinasok ni rookie coach Ronnie Magsanoc sa isipan ng bawat Lions ang katagang “Faith Without Fear” at kita sa kanilang bawat laro ang masidhing pagnanais na lapain ang mga kalaban.
Wala ng ibang magandang halimbawa sa tibay ng dibdib at isipan ng Red Lions kungdi ang kinuhang unang panalo sa season.
Kalaban ang pinalakas na Arellano, dehado ang Lions dahil anim na players na sina Francis Abarcar, Ritchie Villaruz, Jun Bonsubre, Yvan Ludovice, Art Dela Cruz at Dave Moralde ang kanilang nagamit sa laro dahil suspindido ang siyam na iba pa dala ng kinasangkutang kaguluhan bago natapos ang 2011 season.
Pero ang inakalang patalong laro ay nauwi sa kamangha-manghang 81-71 panalo upang agad na ipakita sa lahat na may pangil pa ang mga Leon.
Lalo pang lumakas ang koponan nang nagbalikan ang ibang inaasahan tulad nina Baser Amer, Jake Pascual, Rome dela Rosa at ang baguhang 6’7” Olaide Adeogun upang angkinin ng Red Lions ang unang puwesto matapos ang double round eliminations sa 15-3 baraha.
Ang multi-titled San Sebastian na ibinandera nina Calvin Abueva, Ian Sangalang at Ronald Pascual, ang nakasama ng San Beda na may ‘twice-to-beat’ advantage sa Playoffs sa pumapangalawang 13-5 baraha.
Nakasilat naman ang Letran at Perpetual Help nang sila ang kumumpleto sa Final Four.
Ang host Knights sa pagmamando ni coach Louie Alas at matikas na opensa mula kay Kevin Alas, ang pumangatlo sa 12-6 baraha nang tapusin ang second round elims tangan ang six-game winning streak.
Sa pagmamando ng beteranong coach Aric del Rosario, tinapos ng Altas ang pitong taong di nakakapasok sa semifinals sa pamamagitan ng 73-68 panalo sa Jose Rizal University sa isang playoff.
Nangailangan ng sudden-death dahil parehong tumapos ang Altas at Heavy Bombers sa 10-8 baraha sa eliminasyon.
Muntik pang lumawig ang laban ng Altas dahil binigyan nila ng matinding hamon ang Lions bago naisuko ang 52-56 kabiguan para mamaalam na.
Naisahan naman ng mas determinadong Knights ay nagkumpiyansang Stags nang dalawang beses nilang talunin ito, 92-74 at 73-70, para umaabante sa Finals na huling nangyari noon pang 2007.
Side story sa finals ay ang unahan ng dalawang koponan sa kanilang ika-17th titulo para maging winningest team ng NCAA.
Balikatan ang Game One sa best-of-three finals pero lumabas ang malawak na karanasan ng Red Lions nang iuwi ang 62-60 panalo. Nahiritan nila si Alas ng mahalagang turnover sa huling opensa ng Knights para maipreserba ang dalawang puntos na kalamangan.
Bumawi ang Knights sa Game Two, 64-55, para gawing 1-1 ang labanan para sa kampeonato.
Isang linggo napahinga ang liga at nakabuti ito sa Red Lions dahil bumalik ang bangis ng koponan patungo sa 67-39 tambakang panalo.
Ang second year guard na si Amer ang siyang hinirang bilang Most Valuable Player sa Finals upang samahan si Sangalang na ginawaran ng MVP sa regular season.
Ito ang ikalawang 3-peat ng San Beda sa huling pitong taon at magandang pabaon din ito sa kanilang mga graduating players na sina Pascual, Anjo Caram at Carmelo Lim.