MANILA, Philippines - Bukas pa ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) sa ideya na kumuha ng isa pang naturalized player para sa men’s basketball team.
Pero hindi na mga NBA players kundi manlalaro sa ibang liga ang balak na hilahin ng SBP upang mas makatipid sa gastos.
Si 6’10 Marcus Douthit ang kasalukuyang naturalized player ng Smart Gilas team pero kailangang maghanap ng iba pa dahil hindi na bumabata ang American player.
“Douthit is ok but we have to plan for the next four years and we should look for a younger one who could take his place,” wika ni SBP president Manny V. Pangilinan na nabigyan ng bagong apat na taong termino para pamunuan ang samahan.
Inasinta ng SBP ang 7-footer na si JaVale McGee na ngayon ay naglalaro ngayon sa Denver Nuggets.
Naipasa na sa Kongreso ang House Bill 6169 para bigyan ng Philippine Citizenship ang 24-anyos na si McGee noon pang Mayo pero nakabinbin ito dahil nakuha siya sa NBA at mangangailangan ng malaking halaga para muling makumbinsi na maglaro sa bansa.
“We have to look at other leagues for other prospects because NBA players are very expensive,” dagdag ni Pangilinan.
Pangunahing torneo na paghahandaan ng Gilas II ay ang FIBA Asia Men’s Championship sa Hulyo at kung masama ang bansa sa tatlong mangungunang koponan ay maglalaro sa 2014 World Basketball Cup sa Spain.