MANILA, Philippines - Malakas na panimula ang ginawa ng Blackwater Sports upang alisan agad ng anumang kumpiyansa ang Café France tungo sa 81-60 demolisyon sa huling laro ng PBA D-League Aspirants Cup sa taong 2012 na ginawa kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Nakuha naman ng NLEX ang bangis ng laro sa huling yugto upang iwanan ang Cebuana Lhuillier, 89-76, sa ikalawang laro.
Ito ang ikasiyam na panalo sa 10 laro ng Road Warriors para opisyal na angkinin ang unang puwesto sa semifinals ng liga.
May 15 puntos si RR Garcia, 14 ang hatid ni Garvo Lanete habang 10 pa ang ibinigay ni Ian Sangalang para sa Road Warriors na gumamit ng dalawang matitinding runs sa huling yugto para tuluyang isantabi ang pagdikit ng Gems sa 66-65.
“Mahalaga sa amin ang panalong ito dahil nakuha namin ang semis seat,” wika ni Fernandez.
Nalaglag ang Gems sa 3-4 baraha at mangangailangan na maipanalo ang nalalabing apat na laro para tumibay ang paghahabol na makaabante sa susunod na round.
Si Jeric Fortuna ay may 13 puntos, si Kevin Ferrer ay may 11at si Gio Ciriacruz ay may 10 para sa Elite na humarurot sa 24-10 matapos lamang ang unang yugto.
“Gusto lamang naming ipakita na ibang team kami kumpara sa NLEX. Maganda ang panalo nila sa kanilang huling game pero talagang gusto naming ipanalo ito,” wika ni Elite coach Leo Isaac.
Hindi lumamya ang laro ng Elite dahil lalo pa silang bumangis sa second period nang pakawalan ang 20-7 palitan para sa 44-17 bentahe.
Ikalimang panalo sa pitong laro ang naitala ng Elite upang makapantay sa ikalawang puwesto ang Big Chill.
“A win to end the season is great for us. Hopefully we can build on this momentum next year as we try to nail the second semis seat,” dagdag ni Isaac.