MANILA, Philippines - Bumalik sa dating kinalulugaran na 147 puwesto ang Philippine Azkals sa rankings na ipinalabas ng international body FIFA.
Naunang nalagay sa pinakamataas na 143 spot ang Pilipinas, bumaba ng apat na baytang ang pambansang koponan matapos mabigong umabante sa finals sa idinadaos na Asian Football Federation (AFF) Suzuki Cup.
Nakalaban ng Azkals ang Singapore Lions sa semifinals pero hindi nasandalan ng Pilipinas ang scoreless draw sa kanilang homegame nang naisuko ang 1-0 pagkatalo sa away game.
Sa pangyayari, nawala rin sa Pilipinas ang pagiging number two sa South East Asia dahil bumaba din sila sa ikatlong puwesto.
Ang Thailand na nala-gay sa ikatlong puwesto bago ang huling FIFA ran-kings ang umangkin sa ika-lawang puwesto sa mga bansang nasabing rehiyon.
Pumasok sa finals ng Suzuki Cup laban sa Singapore, ang Thailand ay lumundag ng 16 puwesto tungo sa 136th puwesto habang ang Vietnam ay nanatiling number one sa South East Asia nang umakyat ng pitong puwesto tungo sa 131.
Ang Singapore ang nasa ikaapat na puwesto sa SEA countries sa 154 puwesto o siyam na puwestong umangat bago sumunod ang Indonesia na nasa 156.
Naunang binalak ng pamunuan ng Azkals na maging number one sa rehiyon pero nabigo dahil sa minalas na kampanya sa Suzuki Cup.
Ito ang ikalawang sunod na pagkakataon na nasa semis ang Pilipinas at ang karanasan nakuha ay gagamitin ng Azkals para mas humusay pa sa mga haharaping torneo.
“In football, as in life, we must be ready for disappointments. When things don’t go the way as planned, we pick ourselves up to continue playing and living,” wika ni Azkals team manager Dan Palami sa kanyang official twitter.