Team UAAP-Phl nanamlay

MANILA, Philippines - Matamlay ang naging kampanya ng Team UAAP-Philippines sa 16th ASEAN University Games noong Lunes matapos umani lamang ng isang pilak at bronze medal sa Vientiane, Laos.

Si Josie Malacad ay naorasan ng 1:03.48 sa 400m hurdles tungo sa ikalawang puwestong pagtatapos kay Nguyen Huyen ng Vietnam na may 1:01.17.

Ang bronze medal ay kinuha naman ng kasamahan ni Malacad sa FEU na si Dalyn Carmen sa larangan ng women’s 3000m steeplechase sa 12:10.73.

Ang iba pang lumaban na minalas sa pangunguna ni Patrick Unso, na kamakalawa ay binasag ang sariling record sa 110m hurdles, ay tumapos lamang sa pang-apat sa 400m hurdles sa 54.45 segundo oras.

Si Janry Ubas ay nalagay sa pang-anim sa men’s long jump sa 7.01m marka habang kinapos din ang mga tankers na sina Nikita Decera, Johansen Aguilar at Jasmine Ong.

 

Show comments