Hope spikers hahataw sa semis

MANILA, Philippines - Hindi napigil ang ma­la­k­as na opensa ng Hope Christian para kunin ang ikatlong sunod na panalo sa Pool A sa pamamagitan ng 25-15, 25-8, panalo sa MGC New Life Christian Academy sa Shakey’s Girls’ Volleyball League NCR Leg sa Rizal Memorial Coliseum kamakailan.

Sina Desiree Cheng,  Bel Molde at Chester Ong ang mga nagdala sa Hope Christian para umabante na sa semifinals sa ligang handog ng Shakey’s Pizza at suportado pa ng Toby’s Sports, Mikasa, Tune Hotel, Asics at Volley Prep.

Nasa kontensyon pa rin sa puwesto sa semifinals sa Poll A ang Miriam College nang pabagsakin ang Academy of God’s Children, 25-7,  25-12, tungo sa 2-1 baraha at makatabla ang Gen. Pio del Pilar Natonal High School.

Selyado naman ng San Agustin ang semis seat sa Pool B sa 3-0 karta habang palaban pa rin ang King’s Montessori School matapos ang 25-7, 25-14, panalo sa Angelicum College upang magkatabla ang dalawang paaralan sa pumapangalawang 2-1 baraha.

Samantala, ang De La Salle-Lipa at Central Philippine University ang siyang nagdomina sa Southern Luzon at Western Visayas eliminations para makapuwesto na Tournament of Champions.

Ang mga hihiranging kampeon sa iba pang mga legs ang aabante sa T-of-C na gagawin sa Enero 22-26 kung saan lalahok ang Victoria High School ng Australia.

Show comments