MANILA, Philippines - Hindi natapatan ni Filipino boxer Jade Bornea ang pagiging agresibo ni Murodjon Akhmadaliev ng Uzbekistan sa second round upang lasapin ang 15-24 pagkatalo sa semifinals ng light flyweight sa 2012 AIBA World Youth Boxing Championships kahapon sa Karen Demirchyan Sports and Concerts Complex saYerevan, Armenia.
Nagkaroon ng kaunting liwanag na makakaabante sa finals ang nalalabing boksingero na inilahok ng Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) matapos hawakan ang dikitang 6-5 kalamangan sa pagtatapos ng first round.
Pero hindi natinag ang mas beteranong 18-anyos na si Akhmadaliev at nasilip ang mga butas sa depensa ng 17-anyos tubong South Cotabato boxer upang kunin ang ikalawang yugto, 13-6, at hawakan ang 18-12 bentahe.
Hindi na nagpabaya pa si Akhmada-liev, isa ring silver medalist sa idinaos na Ahmet Comert Youth Boxing Championships noong Setyembre, at tinapos ang third round sa 6-3 iskor tungo sa panalo.
Bagama’t mataas ang morale ni Bornea, ininda naman niya ang pagkakaroon ng ubo dahil sa malamig na klima para makontento sa bronze medal.
Makasaysayan pa rin ang tinapos ng batang boksingero dahil ito ang kauna-unahang medalya ng Pilipinas matapos mabokya noong 2008 at 2010 na ginanap sa Guadalajara,Mexico at Baku, Azerbaijan ayon sa pagkakasunod.