YEREVAN, Armenia – Ipinagdiwang ni Eumir Felix Marcial, ang 2011 AIBA World Junior champion, ang kanyang debut sa World Youth Championships nang umiskor ng 15-14 panalo laban kay Kazakhstan National Youth titlist Timur Pirnazarov sa Karen Demirchyan Sports Complex.
Kabuuang 367 boxers mula sa 68 bansa ang lumahok sa torneo para sa mga boksingero may edad 17 hanggang 18-anyos
Nagtabla sina Marcial at Pirnazarov sa first round, 4-4, at second round, 8-8.
Ngunit mas naging epektibo ang kaliweteng boksingero mula sa Zamboanga sa pamamagitan ng kanyang mga left straights na tumama sa ulo ng Kazakh.
Umakyat si Marcial mula sa flyweight (52 kg) hanggang sa lightweight (60 kg) sa nakaraang taon.
Lalaban naman sa light flyweight si Jade Bornea (49 kg) kontra kay Dmitrys Zaharovs ng Latvia at si bantamweight Jonas Bacho (56 kg) laban kay veteran internationalist Nursultan Bisanbaye ng Uzbekistan.
Si flyweight Ian Clark Bautista ay nakakuha ng bye at sa Linggo lalaban.