MANILA, Philippines - Hindi mangingimi si Fil-Hawaiian champion Brian Viloria na harapin ang Filipino boxer na si Milan Melindo kung ito ay sasang-ayunan ng kanyang manager.
Sa pagdalo ni Viloria sa PSA Forum sa Shakey’s Malate kahapon, sinabi niyang mas mabuting labanan niya si Melindo o kung sino pang Filipino boxer na rated ng WBO sa halip na bitiwan na lamang ng basta-basta ang kampeonatong kanyang pinaghirapan.
Si Melindo ang number one challenger sa WBO flyweight division habang ang number two ay ang kababayan niyang si Froilan Saludar.
Bukod sa WBO ay hawak din ng 32-anyos na si Viloria ang WBA title matapos ang 10th round technical knockout panalo laban sa dating kampeon Hernan Marquez ng Mexico sa isang unification fight noong Nobyembre 17.
May mga nagsasabi na dahil dalawa ang titulong hawak ni Viloria kaya’t mas mabuting bitiwan na lamang ang WBO at hayaang paglabanan ng dalawang Pinoy ang bakanteng titulo.
“As a boxer, I fight hard for the title and you just don’t give it up for others to fight for it. It’s unfair,” wika ni Viloria.
Ngunit ang desisyon dito ay hindi manggagaling sa kanya kundi sa kanyang manager at promoter at susundin niya kung sabihin nilang iwanan na lamang ang titulo at humanap ng ibang laban.
Sa kanyang edad ngayon, hanap ni Viloria ang masalang sa mas makabuluhang bakbakan laban sa mga matitinding boksingero kaya’t mas pagtutuunan niya ang mapag-isa ang lahat ng titulo sa magkakaibang dibisyon.
Si Toshiyuki Igarashi ng Japan ang kampeon sa WBC habang si Moruti Mthalene ng South Africa ang hari sa IBF.
Bukas din siya sa pag-akyat sa 115 pound division pero isinantabi ang posibleng rematch nila ni Marquez dahil tunay niyang dinomina ang Mexican fighter sa naunang pagtutuos.