It’s not how you start, it’s how you finish!
Iyan ang palaging sinasabi ng karamihan ng mga coaches sa basketball.
Katunayan, hindi lang sa basketball applicable ang panuntunang iyan kundi sa anumang bagay. Kahit ba mabagal ang umpisa, basta’t siguradong matatapos nang maayos ang trabaho, maganda ang resulta, maaalala ng marami.
Mukhang ito ang direksyong tinatahak ng Petron Blaze na nakabangon na sa masagwang simula sa 2012-13 PBA Philippine Cup.
Nakapagposte ng tatlong sunud-sunod na panalo ang Boosters para makatuntong sa .500 mark. bale 6-6 na ang win-loss record ng koponan ngayon na hawak ni coach Rodericko ‘Olsen’ Racela.
Mabato, magulo, liku-liko rin kasi ang daan para kay Racela sa simula ng Philippine Cup matapos na halinhan niya si Renato Agustin bilang coach ng Petron.
Wala nga siya sa Pilipinas noong draft day dahil hawak pa niya ang RP Team noon. Pagkatapos ay pinakialaman pa siya nang pinakialaman ng consultant na si Rajko Toroman sa umpisa ng Philipine Cup kung kaya’t nagkaletse-letse ang diskarte ng Boosters.
Idagdag pa dito ang pangyayaring nagtamo ng groin injury ang No. 1 rookie na si June Mar Fajardo matapos ang tatlong laro. Napabilang pa sa injured list ang two-time Most Valable Payer na si Danilo Ildefonso at ang malaking si Dorian Peña.
Biruin mong tatlong sentro ang nawala!
Paano naman makakalaban nang maayos sa shaded area ang Boosters kung sina Arwind Santos at Jay Washington lang ang aasahang tumapat sa mas malalaking sentro ng ibang koponan?
Hayun at nagkasunud-sunod ang pagkatalo ng Petron.
Pero unti-unti ay naayos ang problema. Nawala si Toroman sa team, nagkaintindihan sina Racela’t mga manlalaro niya. Nagbalik ang mga injured players.
Resulta: Back on track ang Petron Blaze na tinaguriang isa sa malalakas na teams sa 38th PBA season.
Ang kanilang pagbabalik ay nagsimula sa pamamagitan ng 96-86 panalo kontra sa sumesegundang Rain or Shine noong Nobyembre 14. Makalipas ang apat na araw ay dinurog nila ang Globalport, 110-91. At noong Sabado ay ginapi nila ang Barako Bull, 93-83, sa out-of-town game nila sa Quezon Convention Center sa Lucena City.
Dahil sa mga panalong ito ay umakyat ang Boosters sa ikaanim na puwesto. Kung matatapos ang elims ngayon, maganda ang kinalalagyan ng Boosters. Kasi, sa ilalim ng tournament format ay maghaharap ang No. 6 at No 3 sa best-of-three quarterfinals.
Hangad ng mga quarterfinalists na makaiwas sa ikapito’t ikawalong puwesto kung saan makakatunggali nila ang No. 1 o No. 2 teams na may ‘twice-to-beat’ advantage.
So, at the moment, realistic ang target nina Racela na magtapos sa ikatlo hanggang ikaanim na puwesto.
At sa pananaw ng karamihan, kayang-kaya nilang magawa ito.
Ito ay kahit pa matitindi ang huling dalawang katunggali nila. Makakaharap nila ang Talk ‘N Text sa Miyerkules at ang Alaska Milk sa December 5.
Kung kumpeto na ang line-up ng Petron at ayos na ang chemistry ng Boosters, kakayanin nilang magwagi sa Tropang Texters at Aces.