McGrady sasalang na sa aksyon sa CBA

BEIJING - Inaasa­hang gagawa ng ingay ang pag­lalaro ni dating NBA superstar Tracy McGrady para sa Qingdao Eagles sa pag­sisimula ng Chinese Basketball Association (CBA) na magtatampok sa tatlo pang dating NBA  All Stars sa kauna-unahang pagkakataon.

Ang 33-anyos na si Mc­Grady ay nakatambal ni Yao Ming sa Houston Rockets sa kanyang 15-year NBA career.

Bukod kay McGrady, mapapanood din sa CBA sina dating NBA All Stars Stephon Marbury at Gilbert Arenas na babandera sa 28 pang mga dating NBA players na kakampanya sa 17-team league.

Unang makakatapat ni Marbury at ng nagdedepensang Beijing Ducks ang Shanghai Sharks ni Ming ngayon, habang makakalaban ng Fujian Sturgeons ang Qingdao Eagles ni McGrady bukas.

Gumawa ng eksena si McGrady noong nakaraang buwan nang pumirma sa Qingdao.

Nagtala ang seven-time NBA All Star ng 34 points sa 28 minuto sa kanilang pre-season game.

 

Show comments