May takot ba si Peping Cojuangco kay Go Teng Kok o sadya lang na iniinis ng dating kongresista ang kanyang mortal na kaaway sa Philippine Olympic Committee?
O kaya naman ay pareho.
Ramdam na ramdam mo kasi ang puwersa na pumipigil sa pagtakbo ni GTK sa POC elections sa Nov. 30 kung saan aasintahin ni Cojuangco ang ikatlo niyang termino.
Matindi ang away ni Cojuangco at GTK kahit na ilang taon lang ang nakalipas ay sanggang dikit sila.
Kaya nung tumanggi si Manny V. Pangilinan na labanan si Cojuangco sa pagkapangulo ng POC, si GTK lang ang may lakas ng loob na tumayo laban sa tiyuhin ni PNoy.
Ang unang reaksiyon ni Cojuangco ay mas gusto nga niyang tumakbo si GTK para daw makita ng lahat kung ilang boto ang kayang kunin ng kontrobersiyal na sports official.
Pero dumaan ang mga araw at nagkaroon ng posibilidad na makuha ni GTK ang boto ng oposisyon team sa POC na pinangungunahan ni Monico Puentevella at Manny Lopez.
May sarili din namang boto si GTK mula sa mga ilan-ilan niyang mga loyalista, at kung makukuha niya ang boto ng grupo nina Lopez at Puentevella ay baka may pag-asa siya.
Sabihin mo nang suntok sa buwan pero sa isang halalan hindi mo talaga alam kung ano ang puwedeng mangyari.
Hindi mo na madidinig kay Cojuangco ngayon ang mga salitang mas gusto niyang tumakbo si GTK dahil sa totoo lang ay mukhang pinipigilan na niya ito ngayon.
Walang epekto ang Supreme Court ruling na nagsabing illegal ang pagpapatalsik kay GTK sa POC dalawang taon na ang nakakalipas.
Dahil hanggang ngayon ay ayaw pang magbigay ng hatol ang POC elections committee kung talagang qualified si GTK na tumakbo sa election.
Si Cojuangco ang nag-appoint sa mga members ng elections committee.
Kaya mukhang ipit si GTK. May duda ako na hindi na maglalabas ng desisyon ang elections committee sa kaso ni GTK hanggang sa dumating na ang araw ng eleksyion.
Pero nagbanta sa GTK na kukuha siya ng TRO (temporary restraining order) na puwedeng magkansela ng elections sa Nov. 30. Dito na magkakagulu-gulo ang sitwasyon.
Palapit nang palapit ay painit nang painit ang POC elections.