MANILA, Philippines - Ibinasura kahapon ng Department of Justice (DOJ) ang kasong isinampa ng Bureau of Internal Revenue (BIR) laban kay Filipino boxing superstar Manny Pacquiao.
Sa isang eight-page resolution, sinabi ng DOJ na hindi dapat managot si Pacquiao ukol sa hindi niya pagsunod sa BIR subpoena na hindi naman niya natanggap.
Ayon sa DOJ, ang pagdadala ni BIR Officer Abdul Jalil J. Taratingan ng subpoena sa General Santos City na sinasabing natanggap ni Jocelyn Nebria ay taliwas sa Revenue Memorandum Order No. 88-2010 na nag-uutos na personal itong ihatid sa mismong tao.
“It is only upon refusal of the person being summoned to receive the subpoena that a substituted service can be availed,” sabi ng DOJ.
Inihayag ng DOJ na dahil walang reklamo si Pacquiao sa pagtanggap niya ng subpoena, ang BIR case ay ‘irregular’ at ‘ineffectual
“The service of summons is, indeed, a vital and indispensable ingredient of due process. Such denial of respondent’s vital right constitutes a serious infirmity in the proceedings which led to the filing of this case against him,” wika ng DOJ sa kanilang resolusyon.
Inakusahan ng BIR si Pacquiao ng paglabag sa Section 266 ng Republic Act 8424 na mas kilala bilang National Internal Revenue Code of the Philippines.
Sinabi ni BIR regional director Rozil Lozares na hindi pinansin ni Pacquiao ang kahilingan nilang iprisinta ng Sarangani Congressman ang kanyang tax records.