MANILA, Philippines - Manatiling nasa unahan ang hanap ng Big Chill habang ikatlong sunod na panalo ang pakay ng Erase Xfoliant sa pagpapatuloy ng PBA D-League Aspirants’ Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Galing sa dalawang sunod na panalo laban sa Jose Rizal University at Blackwater Sports, masusukat ang angking husay ng Super Chargers sa Cebuana Lhuillier na magsisimula matapos nag tagisan ng Erasers at Café France.
May two-game winning streak din ang tropa ni coach Aric del Rosario upang maisantabi na ang 30-puntos na pagkatalo sa NLEX sa unang laro.
Kung talunin nila ang Bakers, makakasalo sila ng pahingang Cagayan Valley sa ikatlo at ikaapat na puwesto.
“Happy ako kung hindi kami matatanggal ng maaga kaya kailangang manalo nang manalo,” wika ni Del Rosario.
May 1-1 baraha ang Bakers at tangka nilang bumangon mula sa 70-85 pagkakadurog sa Suns.
Inaasahang dikitan ang tagisan sa Gems at Super Chargers na siyang nagsukatan sa semifinals sa Foundation Cup at nagwagi ang tropa ni coach Robert Sison para angkinin ang karapatang labanan ang NLEX sa finals.
Galing din ang Gems sa masakit na 90-91 pagkatalo sa Fruitas at ito ang dagdag inspirasyon para makuha ang panalong ito.
“Expected kong mahirap na laban ito pero handa kami,” wika ni Sison na sasandal sa tikas nina Terrence Romeo, Arvie Bringas at Ryan Buenafe.