DAPITAN CITY, Philippines--Dinomina ng 11-anyos na swimmer na si Haruka Jade Shimizu ang dalawang events para pangunahan ang pitong gintong medalya na inangkin ng Davao City sa swimming, habang anim naman ang sinikwat ng Zamboanga City sa Philippine Olympic Committee-Philippine Sports Commission Batang Pinoy 2012 Mindanao leg.
Pinamahalaan ni Shimizu ang girls 11-12 400-meter freestyle at 100m freestyle upang maging kauna-unahang double gold winner sa event.
Nakahugot ang Davao City ng limang gold medals mula kina Dave Jone Andebor sa boys 11-12 400m free, Dara Clariza Evangelista sa girls 13-15 400m free, Rylle Coleen Regidor sa girls 13-15 200m back, Josiah Paul Lozano sa boys 11-12 100m free at John Angelo Zuniga sa boys 13-15 200m butterfly.
Dinuplika naman ng 12-anyos na si Glenn Adrian Arsula ang ginawa ni Shimizu nang pangunahan ang boys 11-12 200m backtsroke at ang Zamboanga City sa boys 15-under 200m medley relay.
Ang iba pang nanalo para sa Zamboanga City ay sina Jesse Kirei Tan sa girls 12-under 50m breaststroke, Gemries Nochefranca sa boys 13-15 50m breast, Shermalyn Jalmaani sa girls 13-15 50m breast at Vyanka Nykole Macaso sa girls 11-12 200m fly.
Nakamit din nina Jalmaani, Macaso at Tan ang kanilang mga ikalawang ginto nang banderahan ang girls 15-under 200m medley relay kasama si Marietonie Allysha Ledesma.
Iginiya naman nina Arsula at Mochefranca ang koponan sa boys 15-under 200m medley relay katuwang sina Idha Warfahly Bangahan at Jonel Ventura.
Bukod sa swimming, nakakuha din ng mga ginto ang Zamboanga City sa karatedo, athletics at lawn tennis.