Laro Ngayon
(Lapu-Lapu City, Cebu)
6:30 p.m. Alaska vs San Mig Coffee
MANILA, Philippines - Sa kanyang unang laro para sa Express ay panalo kaagad ang ibinigay ni Mike Cortez.
Humugot si Cortez ng 15 sa kanyang team-high 24 points sa second half para tulungan ang Air21 sa 86-85 tagumpay laban sa Barako Bull kagabi sa elimination round ng 2012-2013 PBA Philippine Cup sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Si Cortez, magdiriwang ng kanyang ika-32 kaarawan ngayong araw, ay dinala ng Barangay Ginebra San Miguel sa Air21 kapalit ni 6-foot-7 rookie Yousef Taha noong Miyerkules.
“Where can you find a better script than that? Mike Cortez taking over the game,” ani Express’ head coach Franz Pumaren kay Cortez na nakatuwang niya sa pagkopo sa dalawang UAAP titles para sa La Salle Green Archers. “He scored the last points to turn things around.”
Isinalpak ni Cortez ang kanyang pang apat na three-point shot sa 1:29 sa final canto kasunod ang kanyang basket sa huling 58.1 segundo para sa 86-85 bentahe ng Air21 sa Barako Bull, nagtala ng isang 10-point lead, 53-43, sa 8:51 ng third period.
“I forgot how tired I am, but it’s fun out there,” sabi ni Cortez. “Sana hindi hanggang dito lang. Sana tuluy-tuloy na.”
Hindi na nakaiskor ang Energy Cola, nakahugot ng 24 markers kay Ronald Tubid, sa kanilang posesyon.
Nasa isang two-game winning run ngayon ang Air21 para sa kanilang 3-5 baraha katabla ang Petron Blaze sa ilalim ng nagdedepensang Talk ‘N Text ( 7-1), Rain or Shine (6-2), San Mig Coffee (5-2), Alaska (5-3) at Meralco (4-3) kasunod ang Barako Bull (3-6), Ginebra (2-5) at Globalport (1-7).
Kasalukuyan pang naglalaro ang Gin Kings at ang Batang Pier habang isinusulat ito.
Samantala, maghaharap naman ang Mixers at ang Aces, napigilan ng Elasto Painters ang sinakyang five-game winning streak noong Miyerkules, ngayong alas-6:30 ng gabi sa Hoopsdome sa Lapu-Lapu City, Cebu.