MANILA, Philippines - Itinala ng PL iTrade ang kanilang ikalawang sunod na panalo matapos kunin ang 84-77 tagumpay kontra sa DSM Constuction noong Linggo ng gabi sa 2nd DELeague Open Invitational Basketball Cup sa Marikina Sports Park Gym, Marikina City.
Binanderahan ni Fil-Am Mark Jeffries ang PL iTrade mula sa kanyang 23 points, 5 rebound at 3 steals, habang nag-ambag ng 8 markers at 12 rebound ang import na si Alinko Mbah.
Nagtala naman ng 19 points at 7 rebounds si Richie Melencio para sa DSM Construction subalit na-foul out sa huling 3:44 ng laro.
Sa isa pang laro noong Linggo sa ligang inorganisa ni Mayor Del de Guzman at itinataguyod ng OLOPS College, Jekasa Sportswear, Hobe Bihon, Mckie’s Video, Simply Delicious, Luyong Panciteria at Boiengs Gym, giniba ng nagdedepensang Sta. Lucia East Grand Mall ang ACTeam, 102-95.
Ang dating PBA player na si Celedon Camaso ay tumapos na may 24 points para sa Sta. Lucia.
Umiskor naman ng 27 markers si Christian Manalo para sa ACS Team.
Magpapatuloy ang mga laro sa ikalawang season ng DELeague mamaya sa Marikina Sports Park. Ang tiket ay mabibili sa halagang P10 lamang.