MANILA, Philippines - Ipinangako ni dating Smart Gilas at PBA player Japeth Aguilar na dodoblehin pa niya ang paghihirap at sakripisyo upang umusad ang hangaring maging kauna-unahang manlalaro ng Pilipinas na mapabilang sa National Basketball Association (NBA).
“God is in control of everything.Will work hard for the next 2 weeks,” tweet ng 6’-foot-8, 25-anyos na si Aguilar na naging unang Pinoy na napili sa NBA D-League nang kunin ng Santa Cruz Warriors sa drafting kahapon.
Sa ikapitong round at bilang 13th pick nakuha si Aguilar ng Warriors, na isa sa ilang D-League teams na kung saan siya nag-tryout.
Umabot sa 263 ang manlalarong nagbaka-sakali na mapabilang sa 16 teams sa Developmental League ng NBA at si Aguilar, na nakapaglaro rin sa US NCAA sa Western Kentucky University, ang naging ika-109th pick.
Umulan ng pagbati kay Aguilar matapos ang makasaysayang kaganapan at kasama na rito ang dating coach sa Tropang Texter na si Chot Reyes.
“Good for him. I wish his the best,” wika ni Reyes sa kanyang official tweeter.
Buo din ang loob ni Aguilar, ang 2009 number one PBA Draft pick ng Burger King, sa kanyang tsansa na mapapirma sa koponan na maglalapit sa hakbang patungo sa pinaka-popular na liga sa basketball sa mundo.
“Equal opportunity here. It’s just a matter of working hard,” sambit pa ni Aguilar na ang ama na si Peter ay dating national player at PBA cager.
May liwanag namang natatanaw sa posibilidad na masama sa official roster si Aguilar ng Warriors dahil ang lugar ay may malaking bilang ng Pinoy na naninirahan.
Ang NBA D-League ay magbubukas sa Nobyembre 23 pero ang Warriors ay magsisimula ng kanilang kampanya sa Nobyembre 30 laban sa Reno Bighorns.