MANILA, Philippines - Pangungunahan ni Beijing at London Olympics veteran Ai Ueda ng Japan ang mga dayuhang tutungo sa Subic para lumahok sa Century Tuna ASTC Asian Duathlon Championships sa Nobyembre 25.
Bagamat Asian Duathlon ito, ang mga duathletes na hindi galing ng Asia ay lalahok din dahil gagamitin din ang torneo bilang qualifying event para sa 2013 Elite Duathlon World Championships (World Games).
Ang 29-anyos at may taas na 5’1 na si Ueda ay isa sa apat na pambato ng Japan at siyang inaasahang magiging paborito sa kababaihan sa 10-k run, 40-k bike at 5-k run dahil sa angking husay sa biking at running.
Bukod kay Ueda na tumapos sa ika-17th at 39th sa 2008 at 2012 Olympics sa triathlon, nakapasok na rin sa talaan si Singaporean Lin Zhiyun sa women’s side.
Ang mga nagpalista na sa kalalakihan ay sina Thomas Bruins ng Netherlands, Cheong Keing Weng Dex at Melvin Wong Yaohan ng Singapore, Andre dos Santos ng Brazil, Samir Hajazi ng Syria, Isha Bi Abedalaziz ng Jordan at Sergey Yakovlev ng Russia.
Ang unang limang duathletes na tatapos sa elite divisions ang aabante sa World Games.
Bukod ito sa pagtanggap ng gantimpala na inilaan ng Triathlon Association of the Philippines (TRAP) na may basbas ng Asian Triathlon Confederation (ASTC) at may suporta ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Tourism Department at suportado ng Phlippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, Fitness First, Asian Centre for Insulation Philippines (ACIP), Standard Insurance at Gatorade.