Ihahatid ng GMA Network ang kakaibang sigla at pag-asa ngayong Pasko sa pamamagitan ng Walang Imposible Sa Pasko ng Kapuso Christmas campaign na unang matutunghayan ngayong Lunes, November 5 sa 24 Oras.
Nakapaloob sa apat na maiiksi ngunit makabuluhang kuwento ng pamilya, pagkakaibigan at pag-ibig ang mensahe na lahat ay possible para sa mga naniniwala sa diwa ng Kapaskuhan.
Tampok sa unang maiksing kuwento na pinamagatang Bituin ang isang batang lalaki na may bitbit ng lumang costume para sa isang Nativity play. Lingid sa kaniyang kaalaman, may inihandang sorpresa ang kaniyang mga magulang upang mas lalo pa siyang magningning sa role na kaniyang gagampanan.
Isang malaking regalo rin ang nag-aabang para sa mga bida ng Handa, kung saan dalawang mag-asawa na naninirahan sa ibang bansa ang nagnanais na muling makaranas ng Pasko sa Pilipinas.
Sa kuwento ng Karoling, isang lalaki ang mabibigyan ng espesyal na pagkakataon na mapalapit sa babaeng matagal na niyang hinahangaan sa tulong ng kaniyang mga kaibigan.
At sa Puting Pasko, kakaibang saya ang mararamdaman ng isang babae matapos tuparin ng kanyang asawa ang pangarap nitong “white Christmas.” Alamin kung ano ang gagawin ng kaniyang mister matupad lamang ang hiling ng kaniyang asawa.
Sa pamamagitan ng campaign na ito, nais ng Kapuso Station na ipadama sa lahat ang saya at inspirasyon na dulot ng pagtulong at pagdamay sa iba lalong lalo na sa panahon ng Kapaskuhan.
ANO’NG PANGANIB ANG DALA NI LARRY KAY ROSALIE?
Tumitindi ang atraksiyon ni Larry (Eric Fructuoso) kay Rosalie (Charee Pineda) sa mas umiinit pang mga tagpo sa Angelito: Ang Bagong Yugto. Simula nang ipakilala ito ni Angelito (JM De Guzman) sa kanyang maybahay sa debut party ni Tere (Devon Seron) ay hindi maikakaila ang pagnanasa ng mayamang negosyante kay Rosalie. Determinado si Larry na makuha si Rosalie sa kahit anong paraan, maging ang pagbibigay ng mga luhong hindi kayang pantayan ni Angelito. Matukso kaya si Rosalie? Paano haharapin ni Angelito ang panibagong gulong ito gayung si Larry ang dahilan ng pag-asenso ng kanyang autoshop?
Huwag palalampasin ang kapanapanabik na kuwento ng Angelito: Ang Bagong Yugto, Lunes hanggang Biyernes, pagkatapos ng It’s Showtime sa Kapamilya Gold ng ABS-CBN.
Dating mahinhin at mahiyaing si Ritz Azul, nag-cover sa men’s mag
Si Ritz Azul ang napiling cover girl ng FHM para sa kanilang November issue. Tiyak na kalolokohan ng mga kalalakihan si Ritz sa ipinakita niya sa magazine. Maganda, sexy at fresh na fresh ang kinalabasan ng sexy pictorial ni Ritz pero sa kabila nito, inamin ng TV5 Princess na kinabahan siya nang husto sa kanyang first ever daring photo shoot.
“Siyempre po kabado ako,” pag-amin ni Ritz. “Hindi maalis sa akin yun. Pero marami namang tumutulong sa akin kaya lumalakas din ‘yung loob ko [during the shoot].”
Sadyang mahiyain at mahinhin si Ritz ngunit sa kabila nito ay napabilib pa rin niya ang mga editors ng tanyag na men’s magazine dahil sa confidence na ipinakita niya sa shoot. Hinangaan din nila ang natural na ganda at hubog ng katawan ng dalaga.
Maituturing na isa na namang milestone ito sa career ng TV5 Princess. Kahit baguhan pa lang sa industriya maraming parangal na ang natanggap ni Ritz sa mga pagganap niya sa Glamorosa kasama si Lorna Tolentino at sa Nagbabagang Bulaklak kung saan una siyang nakilala.
Magbabalik-primetime muli si Ritz sa bagong superhero teleserye ng TV5 ang Kidlat kung saan makakapareha niya ang hunk na si Derek Ramsay.
A BEAUTIFUL AFFAIR PUMALO ANG RATING
Mainit na tinanggap ang romantic teleserye na A Beautiful Affair na pinagbibidahan nina John Lloyd Cruz, Bea Alonzo at John Estrada sa pilot episode noong Lunes (Oct. 29) sa ABS-CBN Primetime Bida.
Base sa datos ng Kantar Media, pumalo ito sa national TV rating na 25.3%.
Puno naman ng papuri ang mga netizen sa micro-blogging site na Twitter na tila nagustuhan ang timpla ng kilig, drama, at aliw sa nasabing episode ng A Beautiful Affair sa pagsasalaysay ng kuwento ng pagkakaibigan nina Edward (John) at Leon (John Lloyd), ang trahedya ng pagpanaw ng ina ni Leon, at maging ang nakakatuwang pagtatagpo nina Leon at Gen (Bea) sa Austria.
Nagandahan din sila sa mala-pelikulang kalidad ng teleserye, ang maayos na pagkakalahad ng istorya, pati na ang malakas na chemistry ng pinakamagandang love team ng bansa.
Pagsisimula ng Yesterday’s Bride, pinag-usapan
Pinag-usapan at tinutukan ang pagsisimula ng pinakabago at nakaka-intrigang afternoon prime series ng GMA, ang Yesterday’s Bride.
yon sa Oct. 29 NUTAM overnight data mula sa Nielsen TV Audience Measurement, nakapagtala ang Yesterday’s Bride ng household audience share na 41.4%.
Kabilang din ang pilot episode ng programa sa trending topics sa Pilipinas sa sikat na micro-blogging site na Twitter.
Kaya naman nagpapasalamat ang isa sa mga bida ng nasabing serye na si Lovi Poe, “I would like to thank everyone who watched the pilot episode of our show. Pati mga kaibigan ko from showbiz showed their support. Masaya kami na nagustuhan ng mga viewers ang aming show. Marami pa silang dapat abangan.”